Isports

Fighting Maroons, pasok muling sa Finals matapos ang tatlong dekada

Andrew Carolino


Dinedepensahan ni Paul Desiderion, small forward ng UP Fighting Maroons ang 2-point shoot laban kay Jerom Lastimosa ng Adamson Soaring Falcons sa UAAP 81 Mens Basketball Game 2, ika-28 ng Nobyembre sa Smart Araneta Coliseum.
Kuha mula sa:https://philnews.ph/2018/11/28/live-streaming-uaap-season-81-adamson-vs-u-p-game/

Lumikha ng kasaysayan ang UP Fighting Maroons matapos patumbahin ang Adamson Soaring Falcons sa dikdikang overtime,89-87 para makalusot sa Finals sa UAAP 81 Mens Basketbal Final Four Game 2 noong ika-28 ng Nobyembre sa Smart Araneta Coliseum.

            Sinalba ni Paul Desiderio ang Fighting Maroons matapos gumawa ng limang huling pamatay na puntos taliwas sa hindi pagpaparamdam sa mga naunang yugto.

            Nagsalpak si Juan Gomez de Liaño ng 31 puntos katulong si Desiderio na may 16 puntos habang naglista naman si Jerick Ahanmisi ng 16 puntos para sa Adamson

            Sinimulan ni Season MVP Bright Akhuetie ang iskor ng Fighting Maroons na sinundan ng maiinit na birada ni Gomez de Liano, walang sagot ang Adamson sa naglalagablab na kamay ng Maroons, 26-16.

            Palitan naman ng puntos sa ikalawang yugto sa pangunguna ni Ahanmisi ng Adamson, ngunit hindi ito naging sapat para mapalapit ang kaniyang koponan ng bahagya, lamang parin ang UP, 51-42.

            Umalagwa naman sa ikatlong yugto ang Adamson sa pangunguna ni Lastimosa na pumukol ng maiinit na tres, kasama ang magandang depensa, natikman nito ang unang kalamangan 64-67 pagtatapos ng ikatlong yugto.

            Naging mabagal ang panimula ng parehong koponan sa pagsisimula ng huling yugto nang biglang rumagasa ang UP at bumuo ng 6-0 run dahilan para malamangan nila ng bahagya ang Adamson, 72-69.

            Ngunit hindi basta nagpatinag ang Adamson matapos maka iskor ni Manzo ng UP ng pamatay na layup para dalhin ang kalamangan nito sa tatlo, ay agad naman itong binawian ng mapiligrong pukol sa tres ni Lastimosa dahilan para dalhin ang game sa overtime.

            Kumpiyansang sinimulan ng Adamson ang overtime matapos umiskor ng anim na sunod ng hindi inaasahang bayani na si Lastimosa dalawang minuto ang nalalabi, 78-84.

            Sumandig ang UP sa kamay ni de Liaño maging kay Desiderio na nagsanib pwersa para muling itabla ang laro, 87-87, 26 segundo ang nalalabi

            Ibinigay ng Fighthing Maroons sa kanilang team captain Paul Desiderio ang bola sa huling sandal ng labanan kung saan ito ay kumamada at pumukol ng game winning shot dahilan para selyuhan nito ang pagkapanalo.


Didal, binigyan ang Pilipinas ng ikaapat na gintong medalya

Andrea Cantos


Kinilala bilang kauna-unahang babaeng Pilipinong skateboarder si Margielyn Didal, 19, na nagkamit ng gold medal sa Asian Games 2018 na ginanap sa mula ika-18 ng Agosto hanggang Setyembre 2, 2018 sa lungsod ng Jakarta at Palembang sa Indonesia.
Kuha mula sa: http://www.xinhuanet.com/english/2018-08/29/c_137428098.htm

Dinomina ni 19-year old Cebuana Margielyn Didal ang mga katunggali sa ibat-ibang bansa matapos magsaltak ng 30.4 puntos sa 2018 Asian Games skateboarding street event sa JSC Skateboard Stadium, Palembang Indonesia noong ika-29 ng Agosto.

            Nakuntento naman si Isa Kaya ng Japan sa pilak na nagtala ng 25 puntos maging ang pinakabata sa larangan na si 12-year old Bunga Nyimas ng host country na Indonesia na naglista ng 19.8 puntos.

            “I am very happy I did my best. Sobra ang saya po, lalung-lalo na sa mga skateboarders natin,” emosyonal na sagot ni Didal sa kaniyang nararamdaman.

            Nagpakitang gilas agad si Didal sa kaniyang unang subok sa pamamagitan ng malinis at swabeng galaw na halos hindi ito nagkamali hanggang sa huling segundo at natapos ang heat 1 na siya ay nangunguna sa lahat na may 14.4 puntos

            Muling kumamada si Didal sa ikalawang heat na freestyle na kung saan siya ay nag-slide sa obstacle na nagpamangha sa madla at siya ay nabigyan ng 6 puntos.

            Maging sa mga sumunod na heat ay di na muling nagpatinag si Didal matapos ang mga impresibong spin nito at pagpapatuloy sa malinis na galaw, hindi na muling nakahabol pa ang kalaban para selyuhan ni Didal ang ginto.

            Si Didal ang kauna-unahang babaeng atletang Pinoy sunod kay Hidilyn Diaz kung saan sa larangan ng weightlifting na nakapagbigay sa Pilipinas ng gintong medalya            

Sa kabila ng pagiging bagito sa pagsali ng kompetisyon, nanatiling matatag si Didal at inangat ang bandera ng Pilipinas sa ika-16 na pwesto sa medal tally.


Gene Estrellado: Ang pagpapahalaga sa laro ng kaniyang buhay na chess

Marielle Valeriano

Sa kabila ng suliraning bahagi ng 2018 kay Gene, hindi mabubura sa kaniyang isipan ang pagiging ‘best year’ nito sa kaniyang paglalaro ng chess.

Ang panimulang galaw

            10 taong gulang pa lamang nang matuto si Gene ng chess sa pagbabahagi at pang-iimpluwensiya ng kaniyang lolo, na siyang tanda ng kaniyang panimulang tira sa larangan.

            “Sa una napakasaya kasi nakakailang buwan pa lang ako sa chess clinic napasama na ako sa Team ng Brgy. Dolores, nag board 4 agad ako, kateam ko ‘yung mga nagchachampion na sa mga school competition.” Kuwento niya

Bagaman ay bagito sa chess, tila beterano naman siyang kumubra ng mga parangal sa larangan.

Capture

            “Maganda naman naging resulta, nagkagold agad ako sa board 4 then 3rd runner up ‘yunf team namin sa 1st Inter Barangay,” aniya

            Dahil dito, naakit at nahumaling siyang ipagpatuloy at kanain ang paglalaro ng chess.

            Sa mga nagdaang panahon lalo na sa 2018, nakilala niya ang tunay na katangian ng chess.

Si Emmanuel Barbosa, kung saan ay kapatid ng isang  Chess Grandmaster ay ang isa sa mga naging instrument at gabay kay Gene upang mas lalo pang maging mahusay sa larangan           

“Nakilala ko ‘yung ka-rival ko na kateam ko ngayon–si Barbosa, siya nagconvinced sa akin na lumabas at palaaakin pa yung alam ko at skills ko sa chess,” aniya.       

Touch move

            Hindi naman naging madali sa kaniya ang taong 2018 dahil tila umulit siya sa blanko at parang nagsisimula lang ulit sa larangan na kaniyang minamahal.

            “Hindi naging madali kasi sobrang dami pa palang mas magaling sa akin at lahat ng sinalihan ko almost victory na pero pagdating sa dulo nag eerror.” Dahilan niya sa pagkahina ng loob noon.

            Gayunpaman, ang malaking dagok sa larangan ay itinuring niyang biyaya at aral upang mas lalong pag igihan pa ang pag-eensayo at paglalaro.

Checkmate

            Matagal siyang nakakamit ng matamis na panalo ngunit di dahilan para tamarin laruin ang chess, hanggang sa makuha ang iba’t ibang malalaking parangal.

“Para sa akin 2018 ang pinakamagandang taon kasi nadagdagan yung mga achievements (ang pagkatuto ng tunay na esensya ng chess) ko.”

“Sa iba na gusto din magchess at gumaling” … “Chess is like a body building. If you train every day, you stay in top shape. It is the same with your brain-chess is a matter of daily training.” -GM Vladimir Kramnik, ani nito.