Nawalan ng Halaga

Dibuho ni: Margarette Anne Plaza

Bilang mga ‘student leader’ ng Casimiro A. Ynares Sr. MNHS, tungkulin ng Supreme Student Government, Boy Scouts, Citizenship Advancement Trainees at Student Leadership Trainees na manguna sa pagpapanatili ng mantra ng paaralan na “Ang Batang Casimiro Disiplinado.” Ngunit bakit tila nag-iba ang ihip ng hangin, sa halip na maging magandang modelo ay sila pa ang nagiging masamang ehemplo.

            Kapansin-pansin ang pagkawala ng disiplina ng mga tinaguriang ‘student leader’ ng ating paaralan, samu’t-saring isyu ang kinasasangkutan ng karamihan sa kanila na malinaw na indikasyon na nawawalan na ng saysay ang kanilang posisyon dahil sila mismo ang nagiging dahilan upang masira ang pangalan ng Casimiro.

            Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na bago magsimula ang taon ay nagkakaroon ng oryentasyon ang lahat ng estudyante at magulang ng Casimiro tungkol sa mga alituntunin ng paaralan. Ilan sa mahigpit na ipinagbabawal ng paaralan ay ang pagmumura, pagkakaroon ng relasyon sa kapwa estudyante, pagsusuot ng black socks at tusok na pants, paglalagay ng kolorete at iba pa na dapat ay tinututukan at sinusunod lalo na ng mga naturingang student leader dahil sila ang dapat magsilbing modelo ng paaralan.

            Kaugnay nito, simula pa lamang ng taon ay ang dami nang na-violate sa mga batas na ito, at nakadidismayang malaman na karamihan dito ay bahagi ng SSG, Boy Scouts, CAT at SLT. Ilan lamang sa mga patunay nito ay ang maling paggamit ng social media, matatandaang sinita ng SSG ang isang estudyante sa pag-share ng isang partikular na post sa Facebook na mayroong mura na humantong pa sa pagbabanta ng pagbibigay ng B1 o red form.

            Hindi mali ang ginawang pagsita ng SSG sa pag-share ng mga post na mayroong hindi kaaya-ayang salita ngunit, ang kamalian ay nasa paraan ng pagsita dahil wala silang karapatan na magbigay red form, tanging mga guro lamang ang may karapatan sa pagbibigay nito, nagiging mataas masyado ang tingin nila sa kanilang sarili. Isa pa, sana’y bago nila sitahin ang ibang estudyante ay siguraduhin muna nila na lahat ng miyembro nila ay sinusunod ang mga patakarang ito, dahil base sa aking mga nakikita sa Facebook at Twitter ay tila mas malala pa ang ilan sakanila.

            Dagdag pa rito, kamakailan lamang ay nagkaroon ng maiinit na batuhan ng linya sa Twitter sa pagitan ng mga mag-aaral sa ika-10 baitang (kung saan mayroong pinakamaraming bilang ng student leader)na kung iisipin ay napakababaw lamang, kaugnay ito ng nagdaang programa ng English Club. Nagsimula ito sa isang tweet na nagsasabing low budget ang nasabing club dahil sa nawalan ng kuryente at nasira ang performance ng ilang sections, na sinagot naman ng ilang English Club Officer, nang lumaon ay nadamay na ang ibang seksyon maging ang alumni.


Isa pa, hindi naman nagkulang ang pamunuan ng ating paaralan sa pagsugpo ng presensya ng ‘boyfriend-girlfriend relationship, ngunit sadyang matigas ang ulo ng karamihan, maging SSG, Boy Scouts, CAT at SLT ay mayroong mga may karelasyon.

Unti-unting nasisira ang magandang imahe ng Casimiro lalo pa’t sa social media pa naisip magbangayan, hindi man lamang naisip ang kahihiyan ng paaralan maipaglaban lamang ang mga baluktot nilang prinsipyo.

            Ayon kay Raphael Tejada, Corps Commander ng CAT, ginagawa na nila ang lahat ng bagay upang mapaayos ang mga student leader lalo na ang mga SLT. Ngunit taliwas ito sa nakikita ng karamihan dahil pati mismo ang mga officers ay hindi mapasunod at madisiplina, kailangang mas paghigpitan pa pamamalakad.

Kung iisipin, hindi naman masama ang magkaroon ng kasintahan ngunit, bilang mga estudyante, pag-aaral ang dapat inaatupag sa paaralan at hindi ang mga patagong pakikipag-relasyon.

            Bilang paglalahat ang tunay na inaasam na kaayusan ng lahat ay tayo din ang kikilos upang ito’y makamit. Ngunit kung ang mga taong inaasahan nating magpapatupad ng kaayusan ay sila rin ang babasag, kaawa-awa na masyado ang lagay ng Casimiro. Nararapat na ang lahat, partikular na ang mga ‘lider’ ay umaayon sa inaasahang asal nito. Tuluyan nang nawala ang halaga ng katagang “Ang Batang Casimiro, Disiplinado.”


Huwag nang Tularan

MATA NG KAMPUS: Ruthzel Atanacio

Kasunod ng insidente ng pam-bubully ng isang estudyante sa kapwa estudyante ng Ateneo de Manila Junior High School (AJHS), sa halip na magsilbing aral na huwag tularan, nakadidismayang tila naging paraan pa ito upang mas lumala pa ang kaso ng cyberbullying sa bansa.

               Nabigo ang netizens sa pahayag ng awtoridad ng paaralan na siyasatin ang isyu kaugnay ng panununtok at pambabanta ng isang taekwondo player sa kapwa mag-aaral sa AJHS, dahil dito, umalma ang netizens, kumalat ang mga video at mga komento na nai-post sa social media, na kung saan ay pinangalanan ang mag-aaral at ang kaniyang pamilya, pinagbantaan, ginawang katawa-tawa at iba pang mga gawain na makokonsiderang isang akto ng cyberbullying.

               Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Convention on the Rights of Children (CHR) ang publiko na ang karapatan ng pagkakaroon ng pribadong buhay ng sangkot na bata ay dapat palaging protektado, hindi lamang ng mga administrador ng paaralan, mga magulang, ang media, kundi pati na rin ang mga gumagamit ng mga social network.

               Nawa ay magsilbi itong paalala sa publiko ng R.A. 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013, na dinepina ang bullying bilang: “any severe or repeated use by one or more students of written, verbal or electronic expression or a physical act or gesture or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional harm or damage to his property.”


      Nagkaroon man ng pagkakamali ang estudyante, hindi pa rin nararapat ang lahat na natatanggap na galit at pagbabanta sakaniya at sa kaniyang pamilya biro man ito o totoo. Natural na bilang isang magulang ay makaramdam ng pagka-awa sa biktima ng bullying ngunit dapat ay ilugar pa rin sa tama ang mga ipinaglalaban. Ang aktong ito ng netizens ay naging repleksyon lamang ng ginawang pam-bubully, hindi na rin sila naiiba sa isang bully.

               Imbis na punahin ng punahin ang nasabing estudyante at ang kaniyang pamilya, dapat ay mas bigyang pansin ng mga mamamayan ang kanilang sariling mga anak, paaralan, at komunidad na hindi malabo ay nakararanas din ng mga ganitong insidente ng bullying maging physical, mental, verbal o cyber bullying.

               Bilang mga estudyante, ang simpleng mga asaran ay maaaring mauwi sa suntukan, dapat ay matutong maging sensitibo sa damdamin ng iba lalo na sa pagbibitiw ng masasakit na salita na maaaring lamang magpalala sa sitwasyon. 

               Hindi dapat ginagamit ang mga kaalaman sa martial arts upang makasakit ng kapwa o maramdaman ang superiority sa kapwa bagkus, ito ay dapat gawing isports na makatutulong sa pag-develop ng karakter ng isang tao.

               Gayundin, tungkulin ng mga magulang na protektahan at pangalagaan ang kanilang mga anak kaya’t nararapat lamang na bigyan sila ng sapat na atensyon, kadalasan sa mga kaso ng suicide ay dahil sa na-bully, hindi na dapat pang umabot sa ganitong sitwasyon, kausapin ang anak sakaling may mapansing pagbabago sa kaniyang ugali baka isa na rin siya sa biktima ng bullying.

               Higit sa lahat, responsibilidad ng pamunuan ng paaralan na siguraduhin na: walang nangyayaring ganitong senaryo sa loob ng eskwelahan, na-iimbestigahan ang mga kasong ito at nabibigyan ng kaukulang parusa ng may pag-iingat sa pribadong buhay ng mga sangkot na estudyante.

               Sa huli, nawa’y magsilbing leksiyon ang insidenteng ito at hind imaging daan upang lumubha ang kalagayan ng pam-bubully dahil kailanman hindi maitatama ng mali ang isa pang mali.


Bagong Pag-asa

BALINTATAW: Andrea Cantos

Sa kabila ng naging malubhang kalagayan ng giyera kontra droga ng Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang taon, makatutuwang isipin na naging matagumpay ang Munisipalidad ng Taytay maging ang pamunuan ng Casimiro A. Ynares Sr. MNHS sa pagpapatupad ng ilang programang makatutulong upang mas makamit ang maayos at ligtas sa drogang uri ng pamayanan.

               Sa katunayan, tinanggap ng Munisipalidad ng Taytay nitong Disyembre, 2018 ang parangal ng National Anti-Drug Abuse Council, bilang isa sa mga Anti-Drug Abuse Council Performance Awardee sa bansa o ang mga munisipalidad na matagumpay na nakapaglunsad ng programa kontra droga.

               Matatandaang noong nakaraang taon ay inilunsad ng Taytay Municipal Anti-Drug Council (MADAC) ang Simula ng Pag-asa (SIPAG) Drug Rehabilitation Program, isang community-based program na naglalayong matulungang makabalik sa dating maayos na buhay ang mga drug surrender. 

               Kakaiba ang paraan ng programang ito dahil bukod sa kusang sumusuko ang mga drug user na nais magbagong buhay, mga pastor ang namamahala at tagapagpayo nila.

               Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 500 graduates na natuungan ang SIPAG Program sa Taytay, maliit man kung ikukumpara sa libo-libong napapatay sa madugong labanan ng droga, malaking tulong na rin ito kung magpapatuloy at marami pa ang ma-engganyong makapag bagong buhay.

               Kasabay nito, ayon kay Rogelio Garcia, Head ng MADAC, naging solusyon ang SIPAG Program upang bumaba ng 70-80% ang mga drug-related crime sa Taytay. Tiyak na dahil dito, masosolusyunan na rin ang problema sa masikip at siksikang kulungan sa Taytay. 

               Kaugnay nito, bilang pakiki-isa sa programa kontra droga, ipinatupad na sa Casimiro ang Preventive Drug Education Program (PDEP), layunin nito na mapababa ang kaso ng nasasangkot na kabataan sa ilegal na droga.


    Kung tutuusin, mas mainam ang ganitong paraan ng pagsugpo sa presensya ng droga keysa sa plano ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) na magkaroon ng Mandatory Drug Testing ang bawat mag-aaral sa sekundarya sa buong bansa. Tiyak na magiging sanhi lamang ito na madamay ang mga menor de edad at estudyante sa Extra Judicial Killings katulad na lamang ng nangyari kay Kian delos Santos.

               Bilang paglalahat, tunay na maganda ang tunguhin at adbokasiya ng MADAC upang maging ligtas sa banta ng droga ang buong kumunidad, nawa’y maipagpatuloy at magsilbi itong bagong pag-asa sa bawat mamamayan na matamo ang inaasam na payapa at ligtas sa drogang bansa.

 

Leave a comment