Balita

CAYSMNHS, humakot ng mga pagkilala sa iba’t-ibang patimpalak

Margarette Anne Plaza

2018 Catholic Mass Media Award

Umani ng samu’t- saring parangal ang Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School matapos ang sunod-sunod na pagkapanalo sa iba’t ibang patimpalak na naghatid ng karangalan sa paaralan.

            Muling nagpamalas ng husay sa larangan ng pamamahayag ang paaralan nang pinarangalan ang The Echoes, pahayagan ng CAYSMNHS bilang “Best Student Organ – High School” sa nagdaang Catholic Mass Media Awards.

            Dagdag pa rito, nakatanggap din ng parangal sa unang pagkakataon si Elvira Reyes, gurong tagapayo ng Ang Sipol ng “Excellence in Campus Journalism” sa katatapos lamang na Gawad Lagablab samantalang “Excellence in Leadership in Campus Journalism” naman ang natanggap ni Richard Tutor, tagapasinaya ng Special Program for Journalism ng paaralan.

2018 DRRM Olympics

            Humakot din ng pagkilala ang paaralan sa katatapos lamang na District Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Olympics samantalang wagi namang nasungkit ang unang pwesto sa kategoryang abstract painting.

            Ilan sa mga parangal na natanngap ng paaran ang unang pwesto sa kategoryang film making habang ikalawang pwesto naman sa kategoryang Group Quiz Bee, Bandaging and transport of patient game samantalang pang-apat na pwesto naman sa Fire Out.

            “Bilang Caysmerinian, nakakaproud na maging parte ng isang paaralan na competitive sa iba’t-ibang larangan,”  pahayag ni Angeline Napiza, mag-aaral.

Masusing Paghahanda


Nagdiriwang sa pagkapanalo ang Team CAYSMNHS sa pagsungkit ni Rhona Angelika Andrade ng unang karangalan sa Population Quiz Bee 2018 Regional Level na ginanap sa Francisco Benitez Memorial School sa Pagsanjn, Laguna. Nobyembre 7, 2018.
Kuha ni: Kalenna Lorene Asis

            Inaasahang mas matinding paghahanda ang gagawin ng kalahok ng paaralan para sa National Festival of Talents (NFot) matapos ang matagumpay na muling pagkakasungkit ng unang pwesto sa Regional Festival of Talents (RFot) Population Education Quiz Bee.

            Matatandaang naiuwi ni Jan Eileen Francisco ang unang pwesto sa RFoT noong nakaraang taon samantalang ikalawang pwesto naman sa NFot ang naiuwi ni Allyssa Mae Suallo noong 2013.

            Giit ni Kalenna Asis, tagapag-ensayo, matindi ang kanilang naging paghahanda na kalaunang nagdala sa kanila sa pagkakapanalo at tiyak na mas magiging mahigpit pa upang makamit na ang unang pwesto sa NFoT.

            “Nagpupuyat, nag-o-overnight kami sa pagrereview. Inaaral din naming ang mga previous questionnaires and most importantly prayers talaga,” ani Asis.

            Alinsunod nito, inaasahan namang mangyayari sa Alaminos, Pangasinan ang National Festival of Talents sa ika-28 ng Enero hanggang unang araw ng Pebrero.


Pagsasaayos ng ilang mga pasilidad, mas bibigyang-pansin ng bagong punong guro

Marielle Valeriano


Nagpapahayag si  Dr. Assuncion Sierra P.h.D. ng kaniyang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School bilang panibagong punong guro ng paaralan, sa CAYSMNHS library, ika-29 ng Oktubre.
Kuha ni: Andrea Cantos

Pagpaunlad ng mga pasilidad ang nais munang gawin ng bagong punongguro ng Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School sa kaniyang pag-upo sa pwesto

            Sa isang panayam, sinabi ni Ma. Asuncion Sierra, bagong punongguro ng CAYS na wala siyang nais baguhin sa programa ng naunang punongguro bagkus nais lamang niyang dagdagan ang mga ito partikular na sa pagsasaayos ng anyo ng paaralan.

            “Wala naman akong gustong baguhin sa school; gusto ko lang s’yang dagdagan. Yung ilang mga facilities ng school na kaunti lamang at yung ating paligid… gawin natin siyang isang lugar na kung saan ay pwedeng manatili na ang mga estudyante kung sila ay mag-aaral. Ito yung sa gawi ng Avenue, kung may makikita kayo d’yan na nakalagay na bamboo [ay] gusto ko siyang gawing mini park o study area,” ani Sierra.

            Dagdag pa rito, nang kapanayamin din siya patungkol sa isyu sa linya ng kuryente kaniyang sinabi na nailapit na ang problemang ito sa kinauukulan at sinabing malaki ang maitutulong ng disiplina patungkol sa pag-iwas sa mga aberyang dulot ng problema sa kuryente.

            “Nasabi sa akin ng teacher na kasama ni Sir Magno na they’re applying for  new transformer [at] napacheck na rin natin sa Municipal Engineer ng Taytay… sa oras na pwede nating patayin ang lahat ng paggamit ng kuryente, katulad ng ilaw,” dagdag pa niya,” ani Sierra.

            Samantala, nilinaw ng punongguro na ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pangunahing dahilan ng pagbabago ng oras ng klase at sinabing tatagal lamang ito hanggang sa ikalawang linggo ng Enero.

            “I want to secure the students safety kasi pagdating ng end ng November to second week ng January madilim… ang main purpose kung bakit nabago [ay] gusto ko kayong ligtas sa pag-uwi ng maliwanag pa,” dagdag pa niya

            Kaugnay pa sa mga proyektong nais gawin ng punongguro ang pagpaprayoridad sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral ng Special Education ng paaralan lalo na larangan ng isports.

            “More on strengthening the participation of SPED in all of our activities [and] providing them more opportunities to in school activities. Nag-e-excel din sila sa sports so training will also be given emphasis pa,” aniya.


SIPAG Program ng Taytay, nagbunsod sa pagkakatanggap ng parangal sa NADAC

Gracielle Anne Jose

Tinatanggap ni Taytay Municipal Mayor George Ricardo “Joric” Gacula (pangatlo mula sa kanan) ang parangal sa Taytay Municipal Anti-Drug Abuse Council bilang isa sa 2018 National Anti-Drug Abuse Council Performance Awardee. 
Kuha mula sa FB Account: Joric Gacula

Pinarangalan ang munisipalidad ng Taytay ng 2018 National Anti Drug Abuse Council (NADAC) Performance Award bunsod ng pagiging aktibo nito sa pagsugpo ng ilegal na droga at pagsasagawa ng Simula ng Pag-asa (SIPAG) Program ng nasabing munisipalidad.

            Sa isang panayam, sinabi ni Police Inspector Rodelio Garcia, head ng Municipal Anti Drug Abuse Council (MADAC) na naglalayon ang programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga sumukong indibidwal na sangkot sa droga.

            “Malaking tulong yan kasi yan diyan sila nagkakaroon ng pagbabago. Mula sa pagiging bayolente, nung pag-surrender nila willing silang dumalo para bigyan sila ng mga salita ng Diyos dun sa labindalawang session na ‘yan naipakilala natin ang Panginoon hanggang sa tuluyan na silang magbago,” ani Garcia.


Inalalahad ni  Police Inspector Rodelio Garcia, Municipal Anti-Drug Council head ang mga programa na kanilang naisagawa sa nakalipas na taong 2018 gayon din ang mga panibagong programa na kanilang ilulunsad para sa panibagong taon, Enero 7, 2019 sa MADAC office.
Kuha ni: Andrea Cantos

            Dagdag pa rito, nagtala ng mahigit sa limang daan na miyembro ang nasabing programa at isang daan sa mga ito ang kabilang sa ikalimang pangkat na nakapagtapos nitong nakaraang buwan.

            “Ang laki ng nabawas natin sa crime rate; ang laki ng ibinaba ng ating bayan ng Taytay [at] isa din yun sa mga pinagbatayan para makamit natin ang award na yan,” aniya.

            Sinasabing malaki ang naiambag ng programang ito, gayundin ang aktibong pagtutulungan ng MADAC, Taytay Philippine National Police at Local Government Unit ng Taytay sa pagkakakuha ng 90 puntos na isa sa mga requirements upang matanggap ang nasabing pagkilala.

            Dagdag pa rito, sinasabing kabilang rin sa mga ginawaran ng nasabing parangal ang munisipalidad ng Tanay at 167 pa habang kabilang din naman ang Rizal sa 21 probinsyang nakatanggap din ng pagkilala.

            Samantala, sinabi ni Garcia na patuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng mga hakbang sa pagsugpo ng ilegal na droga katulad ng pagsasagawa ng Drug Symposium sa mga paaralan at patuloy na pagsasagawa ng SIPAG Program upang mapanatili ang magandang pagtugon ng Taytay kontra-droga.